Mayroon talagang mga bagay na nakatadhanang matapos.
Kahit gaano mo ipaglaban, pero kung sa katapusan ito nakalaan, wala kang magagawa.
Ang hirap pala ng ganito.
Hindi ko tuloy maiwasang mapatanong sa sarili ko.
Bakit pa kailangan magtagpo kung lilisan lang rin naman?
Bakit kailangang magkakilala kung maghihiwalay rin pala?
Bakit magmamahal kung iiwan rin sa huli?
Bakit lumalaban pa kahit alam mong talo ka na?
Bakit pinipilit pa kahit ang sakit-sakit na?
Bakit iniintindi pa kung wala naman na talaga?
Bakit kaya?
Siguro dahil hindi naman talaga kayang pigilan ang puso na magmahal.
Kusa itong magmamahal sa panahon na hindi mo hinihintay.
Titibok ito sa isang taong hindi mo inaakala.
Mararamdaman mo nalang bigla na parang may paru-paro sa iyong tiyan na para kang inaangat.
Masasanay ka na andyan sya kapag kailangan mo.
Minsan magiging sandigan mo kapag hindi mo talaga kaya ang pagsubok ng buhay.
Mag-aaway, pero hindi maghihiwalay.
Pero kapag nakatakdang matapos, matatapos.
Natutunan kong hindi natin kayang labanan ang tadhana.
Kahit ibigay lahat ng pangunawa at pagmamahal, hindi ito magiging sapat na sandata para manalo sa giyera ng pag-ibig.
At isa sa pinaka naunawaan ko ay ito:
KAPAG TAPOS NA, TAPOS NA.
Wala ng balikan.
Wala ng pilitan.
Tandaan mo, sa bawat pagwawakas mo sa isang kabanata ay may panibagong simula.
Panibagong araw na haharapin na hindi pugto ang mga mata.
Panibagong pagkakataon na dapat pagkatiwalaan.
Panibagong oportunidad na dapat gampanan.
Panibagong puso na dapat mabantayan.
At higit sa lahat, panibagong tiwala na dapat ingatan.
Halina’t sabay sabay nating wakasan ang lahat ng agam-agam.
Kailangang wakasan na ang drama, sakit, luha at lungkot.
Tapusin na ang mga bagay na walang magandang maidudulot.
Sa mga ala-alang walang ibinigay na saya — tapos na.
Tapos nang isip-isipin ang pangalan ng taong nanakit sayo, mga pangakong parang ibinubulong pa sa tenga mo — tapos na.
Tapos nang paasahin ang sarili sa ideyang “Baka pwede pa, baka kaya pa.”
Tapos nang ipaglaban ang pagmamahal na minsang pinahalagahan at iningatan mo.
TAPOS NA.
Maaari ka nang huminga ka ng malalim.
Tumingin ka sa salamin.
Ngumiti ka ng malalim.
At sabihin sa sarili:
“Wawakasan ko na.”
Naiiyak ka pang sinasambit ang mga katagang “ayoko na”.
At sa huli, napangiti ka muli.
Napabuntong hininga.
Sinimulan na isipin kung paano magsisimula.
Mga istoryang ipagpapatuloy mo.
At napaisip ka nalang bigla,
Sa pagwawakas mo sa isang kabanata,
may panibagong simula.
Oo, may panibagong simula.
May panibagong pag-asa.
Saludo ako at tinanggap mo ang pagtatapos ng kwento ninyo.
Malaya ka na dahil TAPOS NA.

